Julie Anne San Jose at Erik Santos, naranasan na bang yumabang sa kanilang mga career?
Published February 22, 2024 8:24pm Kilala bilang mga malalaking musical stars sa bansa, sinagot nina Julie Anne San Jose at Erik Santos ang tanong kung naranasan na nilang yumabang sa kanilang mga karera. “May panahon ba na yumabang kayo?” diretsahang tanong ni Tito Boy kina Julie at Erik sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong […]
Kilala bilang mga malalaking musical stars sa bansa, sinagot nina Julie Anne San Jose at Erik Santos ang tanong kung naranasan na nilang yumabang sa kanilang mga karera.
“May panahon ba na yumabang kayo?” diretsahang tanong ni Tito Boy kina Julie at Erik sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.
“Ako, hindi ko inisip ‘yun, hindi ko in-attempt. I mean, siguro kung may iyayabang man ako, siguro ‘yung confidence ko, dinadala ko siya sa performance like sa stage,” tugon ni Julie.
“‘Yun siguro ‘yung sense sa akin ng pagyayabang. Kasi iba ‘yung yabang na ‘O, ito na ako.’ I’m not it,” pagpapatuloy niya.
Si Erik, umaming may panahon noon na naranasan niya ito.
“Sa tingin ko po. May moments sa career ko na ‘Okay lang sa aking ma-late.’ Pero sandali lang po ‘yun sa period ng career ko,” sabi niya.
Gayunman, nagbago na ang pagtrato ni Erik sa kaniyang mga katrabaho.
“Ngayon, talagang nirerespeto ko ‘yung oras ng mga nakakatrabaho ko. So hangga’t maaari, hindi ko nale-late,” sabi ni Erik.
Magsasama sa unang pagkakataon sina Julie at Erik para sa kanilang concert na “Love Bound” sa Newport Performing Arts Theater sa Pasay City sa Marso 2.
Si John Prats ang magdi-direk ng show.
Kilala si Erik sa OPM classics na “I’ll Never Go,” “Kung Akin Ang Mundo,” “Say You’ll Never Go,” at “Pagbigyang Muli.”
Si Julie naman ang kumanta ng mga theme song ng “Voltes V: Legacy,” “Maria Clara at Ibarra,” at “Descendants of the Sun.” —Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News