Suzette Doctolero ng GMA, magiging bahagi ng KWF webinar para sa Buwan ng Panitikan

Abril 9, 2024 8:35pm GMT+08:00 SINULAT NI: JAMIL SANTOS,GMA Integrated News Makakasama ang batikang manunulat na si Suzette Doctolero sa ikalawang bahagi serye ng webinar ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) kaugnay sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikang Pambansa ngayong Abril. Sa isang pahayag ng KWF, nakasaad na tatalakayin ng GMA headwriter at creative consultant […]

Suzette Doctolero ng GMA, magiging bahagi ng KWF webinar para sa Buwan ng Panitikan

Suzette Doctolero ng GMA, magiging bahagi ng KWF webinar para sa Buwan ng Panitikan thumbnail

Abril 9, 2024 8:35pm GMT+08:00

SINULAT NI: JAMIL SANTOS,GMA Integrated News

Makakasama ang batikang manunulat na si Suzette Doctolero sa ikalawang bahagi serye ng webinar ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) kaugnay sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikang Pambansa ngayong Abril.

Sa isang pahayag ng KWF, nakasaad na tatalakayin ng GMA headwriter at creative consultant na si Suzette sa ikalawang webinar ang paksang “Encantadia: Lente ng Kapayapaan sa Mata ng Manonood,” na gaganapin sa Abril 10 ng 10 a.m. hanggang 12 p.m.

Natanggap ni Doctolero ang KWF Dangal ng Panitikan 2023 dahil sa kaniyang hindi matatawarang kontribusyon sa panitikan, partikular sa kaniyang pagsulat ng iba’t ibang de-kalidad na pelikula at teleserye.

May temang “Ang Panitikan at Kapayapaan,” ang Buwan ng Panitikan ay binuksan ng KWF sa pamamagitan ng isang face-to-face na lektura noong Abril 1 tampok ang paksang “Ang Paglikhâ at Pag-akdâ ng Kapayapaan” ni Dr. Felipe M. De Leon Jr., isang iskolar at dalubhasa sa kultura.

Bukod sa hit series na “Encantadia,” ilan pa sa kilalang proyekto na ginawa niya bilang creator at head writer ay “Ika-Limang Utos,”  “Amaya,” “Legal Wives,” “Maria Clara at Ibarra,” ang upcoming series na “Pulang Araw,” at marami pang iba.

Sa panayam noong nakaraang taon sa “Just In” show ni Paolo Contis, ikinuwento ni Doctolero, kung paano nagsimula ang interest niya sa pagsusulat nang mag-on-the-job-training siya bilang Production Assistant sa Dulaang Balintataw.

Samantala, sa ginanap ang unang webinar noong Abril 3 na may paksang “Ang Estado ng Panitikan ng mga Binging Pilipino,” naging tagapanayam at bisita si Prop. Michael T. Vea, isang faculty ng School of Deaf Education and Applied Studies, De La Salle- College of Saint Benilde.

Gaganapin ang ikatlong webinar ng Abril 17 ng 10 a.m. hanggang 12 p.m. na may paksang “Katutubo at Modernisadong Panitikan para sa isang Mapayapang Lipunang Pilipino” kung saan tagapagsalita si Dr. Romeo P. Peña ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP).

Gaganapin naman ang ikaapat na webinar sa Abril 24 ng 10 a.m. hanggang 12 p.m. na may paksang “Ang Panitikang Pambata at ang mga Usapin ng Kapayapaan” na tatalakayin ni Dr. Eugene Y. Evasco ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

Mapapanood nang live ang serye ng webinar sa opisyal na Facebook Page ng Komisyon sa Wikang Filipino.

Alinsunod sa itinakdang Proklamasyon Bilang 968 na nilagdaan noong 10 Pebrero 2015, idineklara ang Abril bilang Buwan ng Panitikang Pambansa o National Literature Month upang bigyang-halaga ang panitikan na nakalimbag sa iba’t ibang wika sa Pilipinas, na itinuturing na pamanang pangkultura sa mga susunod na henerasyon.– FRJ, GMA Integrated News