Paolo, humirit sa natsuging show
SHOWBIZ GANERN! – Gorgy Rula – Pilipino Star Ngayon March 19, 2024 | 12:00am Umiiwas pa rin ang ibang taga-Tahanang Pinakamasaya na magsalita tungkol sa pagkasibak ng kanilang programa at kung ano na ang plano nila. May narinig kaming may negosasyon daw sa ibang network para ipagpatuloy ang kanilang noontime show. Pero wala raw ganun, […]
SHOWBIZ GANERN! – Gorgy Rula – Pilipino Star Ngayon
March 19, 2024 | 12:00am
Umiiwas pa rin ang ibang taga-Tahanang Pinakamasaya na magsalita tungkol sa pagkasibak ng kanilang programa at kung ano na ang plano nila.
May narinig kaming may negosasyon daw sa ibang network para ipagpatuloy ang kanilang noontime show. Pero wala raw ganun, sabi sa amin ni Atty. Maggie Abraham-Garduque nang nakatsikahan namin siya nung nakaraang linggo.
“Sa ngayon po wala. Kasi for the meantime, gusto munang ayusin ng TAPE yung employees…’yung sa production. Pero yung sa admin tuloy pa rin. Kasi lahat naman na mga employees sa corporation, andun pa rin,” pakli ni Atty. Maggie.
Baka isipin daw ng iba na meron silang pinaplano dahil madalas pa rin pala silang nagkikita.
Nakabuo na kasi ng magandang relasyon ang mga host, pati ang staff at ang Jalosjos family kaya tuloy pa rin daw ang komunikasyon nila.
Sabi pa nga ni Atty. Maggie, madalas daw silang nag-uusap ni Paolo Contis. Nagkukumustahan sila, at ang fans club daw kasi ng Kapuso actor/TV host ay sa kanya nakipag-coordinate kung meron silang gustong iparating kay Paolo.
Kagaya nung nakaraang linggo na nag-celebrate ng birthday si Paolo, siya raw ang kino-contact ng fans kung paano nila maibigay ang birthday gift kay Paolo na ikinatuwa naman ng aktor.
Sabi naman ni Paolo, bukod sa nakakasama naman niya sa taping ang ilang co-hosts niya, madalas pa rin daw silang nagkikita-kita.
“Yes madalas pa rin kaming magkita-kita…hindi na mawawala ‘yun. Including the staff and sila Ms. Marjorie (Jalosjos) and Kuya John (Jalosjos). Never naputol ang communication,” ani Paolo.
Kaya nga kung magkakaroon ng pagkakataon, alam niyang gusto pa rin ng mga Jalosjos na makapag-produce ng noontime show.
Naging bahagi na raw sa buhay ng Jalosjos ang noontime show, itong Eat Bulaga at pinalitan nila ng Tahanang Pinakamasaya.
“Ano na yan e, sa pamilya nila, parte na ng pamilya nila yung noontime show,” pakli ni Atty. Maggie.
Samantala, hindi rin nakapagpigil si Paolo sa nakaraang media conference ng Best Time Ever campaign ng GMA 7.
In-announce nila ang 2-part summer special ng Bubble Gang na mag-29 years na sa October.
Sana patuloy pa rin daw na suportahan ang kanilang gag show na umabot hanggang 50 years.
“Tulungan nyo po kami dahil gusto namin paabutin ng 50 years ang Bubble Gang. ‘Yung isang show kasi hindi namin napaabot ng 50 years, pero okay lang. Sorry, hindi ko napigilan,” pahayag ni Paolo.
“Naisuka niya!” tili naman ni Chariz Solomon.
Kapuso aktor best actor sa kauna-unahang cinepanalo
Magandang timing sa showbiz career ng Sparkle artist na si Jeff Moses ang pagkapanalo niyang Best Actor sa kauna-unahang Puregold CinePanalo Film Festival.
Napansin na namin ang 24-year old Kapuso actor sa Abot Kamay Na Pangarap. Ang lakas ng dating niya, kahit nag-iiba minsan ang itsura depende sa angulo.
Tamang-tama naman, siya ang kinuhang lead actor sa Visayan film na Under A Piaya Moon na isa sa nakakuha ng maraming awards sa naturang filmfest.
Sana i-grab ito ng Sparkle para bigyan siya ng magandang project bilang follow up sa bagong achievement na nakuha niya.
Isang Negrense si Jeff at purong Bisaya itong pelikulang pinagbidahan niya. Kaya proud siya sa na naipakita ang ganda ng Negros lalo na ang mga sikat na delicacies nila kagaya ng tinapay na piaya.
“Ayun, for me, isang malaking privilege na makatrabaho ko rin yung mga taga-Negros. Kasi siyempre, we represent our province. And siyempre showcasing our delicacies,” saad ni Jeff sa nakaraang awards night ng 1st Puregold CinePanalo Film Festival.