Mariel Rodriguez, nag-sorry; sinabing ‘Vitamin C” at ‘di glutathione ang inilagay sa kaniya

Mariel Rodriguez, nag-sorry; sinabing ‘Vitamin C” at ‘di glutathione ang inilagay sa kaniya

Mariel Rodriguez, nag-sorry; sinabing 'Vitamin C

Pebrero 26, 2024 2:12am GMT+08:00

Humingi ng paumanhin ang actress-TV host na si Mariel Rodriguez kaugnay sa kontrobersiyal niyang post na “drip session” sa opisina ng kaniyang mister na si Senador Robin Padilla. Pero paglilinaw niya, ‘Vitamin C’ at hindi glutathione ang inilalagay sa kaniya.  

Sa isang pahayag na ipinost sa Facebook nitong Linggo, ipinaabot ni Mariel ang kaniyang paghingi ng paumanhin sa Senado at sa publiko.

“Upang linawin, nakatanggap ako ng Vitamin C Drip, hindi Glutathione, sa ilalim ng medikal na pangangasiwa ng isang propesyonal na nars,” anang aktres.

Nais daw niyang magbigay ng “inspirasyon” sa iba patungkol sa kalusugan na maari silang tumanggap ng bitamina kahit saang lugar.

“Hindi ko kailanman intensyon na siraan o sirain ang integridad at dignidad ng Senado. Nais kong ipaabot ang aking taos-pusong paghingi ng tawad sa lahat ng kinauukulan, kasama na ang mga miyembro at kawani ng Senado at ang publiko. Itinataguyod natin ang dignidad at integridad ng Senado,” saad ni Mariel sa pahayag.

Nitong Sabado, muling iginiit ng Department of Health (DOH) ang pagtutol sa paggamit ng glutathione bilang pampaputi ng balak.

inihayag din ng DOH na ang injectable glutathione ay aprubado lang ng Food and Drug Administration (FDA) bilang gamot para sa cisplatin chemotherapy, at hindi para magpaputi ng balat.

Nauna nang ibinabala ng FDA, na kabilang sa side effects ng injectable glutathione ay pagkalason sa atay, bato, at nervous system.

“To date there are no published clinical trials that have evaluated the use of injectable glutathione for skin lightening. There are also no published guidelines for appropriate dosing regimens and duration of treatment. The FDA has not approved any injectable products for skin lightening,” ayon sa FDA.

Kahit nilinaw ni Mariel na Vitamin C drip ang kaniyang tinanggap, sinabi ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo, na batay sa abiso ng FDA, may peligro rin sa kalusugan ang tatanggap nito.

“Injectable glutathione is sometimes paired with intravenous Vitamin C. Vitamin C injection may form kidney stones if the urine is acidic. Large doses of Vitamin C have resulted in hemodialysis in patients with glucose-6-phosphate dehydrogenase (G6PD) deficiency,” anang opisyal.

Sa naturang post ni Mariel na binura na, nakasaad sa caption ng larawan na: “Drip anywhere is our motto! Hehehe. I had an appointment with @dripinluxeph but I was going to be late so I had it done in my husband’s office hehe. I never miss a drip because it really helps in soooo many ways. Collagen production, whitening, energy, metabolism, immunity, and sooo much more!!! So convenient and really effective.”—FRJ, GMA Integrated News