Cassy, unti-unti nang inaamin si Michael
SHOWBIZ GANERN! – Gorgy Rula – Pilipino Star Ngayon April 11, 2024 | 12:00am Nagsalita si Darren Espanto sa isang interview tungkol sa tunay na relasyon nila ni Cassy Legaspi. Sabi niya sa interview ni Ganiel Krishnan ng TV Patrol, magkaibigan lang daw talaga ang meron sa kanila ni Cassy. Sa ngayon ay hindi raw […]
SHOWBIZ GANERN! – Gorgy Rula – Pilipino Star Ngayon
April 11, 2024 | 12:00am
Nagsalita si Darren Espanto sa isang interview tungkol sa tunay na relasyon nila ni Cassy Legaspi.
Sabi niya sa interview ni Ganiel Krishnan ng TV Patrol, magkaibigan lang daw talaga ang meron sa kanila ni Cassy. Sa ngayon ay hindi raw mag-level up into more than friends ang kanilang friendship.
“Bestfriends talaga e. Parang…it’s something that a lot of people I guess won’t get. Hindi ko alam kung paano i-explain. But siyempre andun pa rin yung pagmamahal namin sa isa’t-isa,” sambit ni Darren.
Pagkatapos lumabas iyun at pinik-ap online, nag-post naman si Cassy sa kanyang Instagram ng kantang Favorite Crime ni Olivia Rodrigo. In-assume ng karamihang para kay Darren iyun.
Sorry guys! Sure kami na hindi para kay Darren iyun, dahil narinig naming si Michael Sager na raw ngayon ang boyfriend ni Cassy.
Puwedeng para kay Michael ang kantang iyun na may linyang; “Know that I loved you so bad. I let you treat me like that I was your willing accomplice, honey.”
Nagsimula ang magandang relasyon nina Cassy at Michael sa Tahanang Pinakamasaya na kung saan nakakantiyawan na nga silang dalawa roon.
May mga lakad si Cassy na kasama niya si Michael pero tahimik lang sila.
Ewan ko kung aamin silang dalawa, dahil baka may plano naman ang Sparkle para sa kani-kanilang career.
Under Cornerstone si Michael at sa Sparkle naman si Cassy. Hindi ko lang sure kung co-managed si Michael sa Sparkle, pero maganda ang mga naka-line up sa kanya sa GMA 7.
Isa siya sa lead actors sa bagong afternoon drama na Shining Inheritance at si Kate Valdez ang ka-partner niya roon kasama sina Kyline Alcantara at paul Salas.
Wala pa kaming ideya kung ano naman ang merong nakalaan para kay Cassy.
Sen. Bong, sigurado na sa alyas pogi 4
Habang naka-break pa sina Sen. Bong Revilla sa Senado, nagsimula na siyang mag-shoot ng pelikula.
Base sa pagbibilang namin, mahigit 12 years ding nagbakasyon si Sen. Bong sa paggawa ng pelikula.
Pagkatapos niyang mapiit sa Camp Crame, sa TV muna siya bumalik at maganda naman ang kinalabasan.
Pero iba talaga ang pelikula dahil ang dami naman talaga niyang pinasikat na mga karakter na ginagawa niyang pelikula, kagaya ng Panday, Agimat, Alyas Pogi, SPO4 Santiago, at kahit si Tolome sa Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis.
Ngayon ay ibabalik niya ang isa sa pinasikat niyang karakter, si Alyas Pogi na naka-tatlong pelikula na.
Ang unang ginawa ni Sen. Bong na Alyas Pogi ay Alyas Pogi: Birador ng Nueva Ecija noong 1990. Nasundan pa ito ng dalawa pang Alyas Pogi, at ngayon ay naisip niyang mas magandang ito sa kanyang pagbabalik pelikula.
Ang pamagat nito ngayon ay Birador: Alyas Pogi 4 na ididirek nina Dondon Santos at Enzo Williams.
Hindi pa na-finalize ang buong cast, pero nakikita naman sa ilang Instagram post niyang naka-meeting niya si Carlo Aquino at nakausap na rin niya si Christopher de Leon.
May isa pang sikat at kontrobersyal na young actress na makasama niya. Pina-finalize pa raw nila kung sino talaga ang kukuning leading lady.
Pero hindi lang ang Alyas Pogi ang karakter na pinasikat ni Sen. Bong. Nagtatak pa rin talaga ang Panday niya na gustung-gusto pa rin ng mga taga-Occidental Mindoro nang pumunta roon ang senador nung nakaarang Lunes.
Niregaluhan siya ng espada na parang espada ni Panday at ang pinapa frame na gawa ng mga katutubo roon sa Sablayan, Occidental Mindoro.
Nagpasa na rin ng Resolusyon ang Sangguniang Bayan ng Sablayan, Occidental Mindoro na idinedeklara si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. bilang Adopted Son ng naturang bayan.
Iginawad kay Sen. Bong ang kopya ng resolusyon nina Mayor Walter “Bong” Marquez, Vice Mayor Edwin Mintu, at iba pang mga opisyales at kawani ng lokal na pamahalaan. Kasama rin sa naturang programa ang punonglalawigan ng Occidental Mindoro na si Governor Eduardo Gadiano.
Binigyang-halaga nila ang suporta at tulong na pinakita ng actor/politician sa nasabing bayan, kasama na rito ang kanyang pakikibahagi bilang panauhing pandangal sa pagbubukas ng Palarong Panlalawigan ng Occidental Mindoro ngayong taon.
Kinilala rin nila ang “Revilla Law’ ni Sen. Bong para sa mga senior citizens. Kaya sobrang tuwa naman ng senador.
“Isang malaking karangalan po ito sa akin at buong buhay kong tatanawin at papahalagahan ang kanilang pagtanggap, pagmamahal, at pagkilala,” pahayag ni Sen. Bong.