SPEEd, nakikidalamhati sa pamilya ni Jaclyn Jose
SHOW-MY – Salve Asis – Pilipino Star Ngayon March 8, 2024 | 12:00am Nagpaabot ng pakikiramay ang Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) sa mga naulila ng pamilya ng premyadong aktres na si Jaclyn Jose. Nagdadalamhati ngayon ang buong entertainment industry sa pagyao ng isa sa mga itinuturing na haligi ng mundo ng telebisyon at […]
SHOW-MY – Salve Asis – Pilipino Star Ngayon
March 8, 2024 | 12:00am
Nagpaabot ng pakikiramay ang Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) sa mga naulila ng pamilya ng premyadong aktres na si Jaclyn Jose.
Nagdadalamhati ngayon ang buong entertainment industry sa pagyao ng isa sa mga itinuturing na haligi ng mundo ng telebisyon at pelikula.
Umaasa ang SPEEd na magpapatuloy ang legacy na iniwan ni Jaclyn Jose at magsisilbing inspirasyon sa lahat ng mga taong bumubuo ng movie at TV industry upang mas mapataas pa ang kalidad ng mga proyektong gawa ng mga Filipino.
Isa si Jaclyn Jose o Mary Jane Santa Ana Guck sa tunay na buhay, sa mga ginawaran ng pagkilala bilang Philippine Movie Icon sa ika-6 na edisyon ng The EDDYS noong nagdaang taon.
Napakalaki rin ng naibahagi at naging kontribusyon ng beteranang aktres sa Philippine cinema sa pamamagitan ng paggawa ng mga makabuluhang proyekto na nagsisilbing inspirasyon sa mga kapwa niya aktor at mga filmmaker.
Bukod sa hindi na mabilang na award na kanyang natanggap mula sa mga nagawa niyang pelikula nitong mga nagdaang dekada, siya rin ang kauna-unahang Filipino at Southeast Asian na nakapag-uwi ng Best Actress Award sa Cannes Film Festival noong 2016.
Ito’y para sa natatangi niyang pagganap sa pelikulang Ma’ Rosa mula sa direksyon ni Brillante Mendoza.
Nagsimula ang kanyang showbiz career noong unang bahagi ng dekada 80 at mabilis na nakilala sa kanyang talento sa pag-arte.
Sa paglipas ng mga taon, lumabas siya sa maraming pelikula at palabas sa telebisyon.
Ilan sa mga nagawa niyang pelikula ay ang Private Show (1985), White Slavery (1985), Itanong Mo Sa Buwan (1988), Machete II (1994), Sarong Banggi (2005), at Ma’ Rosa (2016). Sa telebisyon lumabas siya sa The Legal Wife (2014), Maalaala Mo Kaya, at FPJ’s Ang Probinsyano.