Mariel Rodriguez nagturok ng ‘illegal injectable’ sa loob ng Senado, kinastigo
James Relativo – Philstar.com February 23, 2024 | 1:35pm Litrato ng aktres at TV host na si Mariel Rodriguez-Padilla habang nagpapa-IV drip session sa loob ng opisina ni Sen. Robinhood Padilla Mula sa Instagram account ni Mariel Rodriguez-Padilla MANILA, Philippines — Binanatan ng isang doktor at ilang netizens ang TV host-actress na si Mariel Rodriguez-Padilla […]
James Relativo – Philstar.com
February 23, 2024 | 1:35pm
Litrato ng aktres at TV host na si Mariel Rodriguez-Padilla habang nagpapa-IV drip session sa loob ng opisina ni Sen. Robinhood Padilla
Mula sa Instagram account ni Mariel Rodriguez-Padilla
MANILA, Philippines — Binanatan ng isang doktor at ilang netizens ang TV host-actress na si Mariel Rodriguez-Padilla matapos mag-intravenous (IV) drip therapy sa loob ng opisina ng asawang si Sen. Robin Padilla.
Nabastusan ang ilan sa Instagram post ni Mariel matapos ipakitang ang kanyang beauty session sa loob mismo ng Senado. Burado na ito sa IG.
“Promotion of unproven FDA drug by media personality. Indiscriminate use of Philippine [Senate] logo,” wika ng internist at cardiologist na si Dr. Tony Leachon sa X (dating Twitter) ngayong Biyernes.
“[The Department of Health] should be able to call out this illegal promotion.”
What’s happening to our country ?
We have gone this low if true.
We need to validate and ask our leaders about this @PhilippineStar
Promotion of unproven FDA drug by media personality
Indiscriminate use of Philippine @senatePH logo @DOHgovph should be able to call out… https://t.co/n1yIFtLmmB
— Tony Leachon MD (@DrTonyLeachon) February 23, 2024
Enero 2024 lang nang ipaalala ni Health Secretary Teodoro Herbosa na iligal at hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagtuturok ng IV glutathione para sa pagpapaputi ng balat.
Bagama’t burado na ang IG post ni Mariel, nagsisilbing endorser ang aktres ng ginamit niyang “Drip in Luxe” na siyang gumagamit din ng glutathione sa kanilang injectables.
“What’s happening to our country ? We have gone this low if true,” dagdag pa ni Leachon sa kanyang tweet.
Hinihingian pa ng Philstar.com ng pahayag ang DOH at FDA kung maaaring makasuhan o maparusahan sina Mariel at Sen. Padilla dahil sa kanilang ginawa.
‘Drip everywhere!’
Sa buradong post, makikitang nakaturok na parang swero ang naturang IV drip kay Mariel habang nasa background ang mister.
“Drip anywhere is our motto! Hehehe. I had an appointment with @dripinlexeph but I was going to be late so I had it done in my husband’s office,” sabi niya sa IG.
“Hehe I never miss a drip because it really helps in soooo many ways. collagen production, whitening, energy, metabolism, immunity and soooo much more!”
Maliban sa glutathione, sinasabing naglalaman din ng vitamin C, antioxidants, natural collagen, kojic acid, human placenta extract, embryonic stem cell, vitamin B complex, at amino acid ang kanyang IV drip.
Dati nang nasita ng DOH si Padilla dahil sa paggamit ng COVID-19 self-swab kits noong panahong hindi pa ito aprubado ng gobyerno.
FDA: Nakapipinsala ng atay, bato atbp.
Taong 2019 pa nang sabihin ng FDA na wala pa silang inaaprubahang kahit anung injectable skin lightening product sa merkado. Aniya, pinapayagan lang ito bilang adjunct treatment sa cisplatin chemotherapy.
Bukod pa rito, nagdadala rin daw ang injectable glutathione ng toxic effects sa liver, kidneys at nervous system. Posible rin daw itong panggalingan ng Steven Johnson Syndrome.
“To date there are no published clinical trials that have evaluated the use of injectable glutathione for skin lightening,” wika ng FDA.
“There are also no published guidelines for appropriate dosing regimens and duration of treatment.”
Enero lang nang ibalita ng DOH na namatay ang isang 39-anyos na babae ilang oras matapos magpaturok ng glutathione at stem cell treatments habang iniinda ang chronic kidney disease.