Kuh Ledesma, naniniwalang ‘di pa dapat ‘magretiro” si Gary Valenciano
Marso 9, 2024 12:40am GMT+08:00
Kung si Kuh Ledesma ang tatanungin, hindi pa dapat tumigil si Gary Valenciano sa pagsasagawa ng major concert bunga na rin ng titulo ng upcoming concert ng huli sa Abril na “Pure Energy: One Last Time.”
“Huwag naman. He’s still too young,” sabi ni Kuh sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.
Pero naniniwala si Kuh na hindi magiging huling major concert ni Gary ang “Pure Energy: One Last Time,” dahil hindi rin naniniwala rito ang mismong asawa ng singer na si Angeli Pangilinan.
“Hindi naniniwala si Angeli. At least I think I heard that from her. Parang hindi rin ako naniniwala,” sabi ni Kuh.
“Unless it’s a health issue. But he doesn’t have to say it’s his last because he’s so close to the Lord that you know, the Lord can renew your strength and all that,” dagdag ng “OPM’s Pop Chanteuse.”
Sa panayam ng showbiz press, na mapapanood sa Kapuso Showbiz News, ikinuwento ni Gary na marami sa kaniyang team ang nagkomento tungkol sa titulo ng kaniyang concert at sinabing, “You cannot call it one last time.”
Pero paliwanag ng mang-aawit, hindi naman talaga siya tuluyang magreretiro pero magkakaroon na siya ng limitasyon pagdating sa pagtatanghal.
BASAHIN: Gary V., magreretiro na nga ba pagkatapos ng kaniyang ‘Pure Energy: One Last Time’ concert?
Taliwas sa pananaw ni Gary, sinabi ni Kuh na hindi sumagi sa isip niya na gumawa ng kaniyang “final concert.”
“No. It’s not in the Bible,” sabi ni Kuh.
Para sa kaniya, mahalaga ang pahinga kapag nakararamdam ng pagod.
“Rest in the Lord. Ibig sabihin, magbakasyon ka, read the Scriptures, meditate on the promises of God. Take care of your physical health,” saad ni Kuh.
“There are artists na 80 years old, nakakakanta pa,” pagpapatuloy ni Kuh.
Inilahad ng beteranang singer na hindi siya takot na malaos.
“Hindi ako malalaos,” kumpiyansang sabi ni Kuh. “Walang malalaos na may Amang Diyos, na may maganda kang relasyon sa Kaniya, sinusunod mo Siya. Malalaos ka lang if you think malalaos ka. First of all, you don’t think laos. You think always that doors will open for you. You have to think positive.”
“For as long as you have your heart in the right place, in whatever you do. At saka when you give, you will receive back eh,” pagpapatuloy pa niya.
Nakatakdang ganapin ang birthday concert ni Kuh na “3:16” sa Marso 16, 8 p.m. sa Music Museum.
–FRJ, GMA Integrated News