It’s Showtime sa GMA, nagtala ng pinakamaraming viewers sa TV at online
SHOW-MY – Salve V. Asis – Pilipino Star Ngayon April 13, 2024 | 12:00am One week na sa GMA 7 ang It’s Showtime ngayong araw. Last Saturday nung nag-umpisa silang umere kung saan nanguna ito sa TV rating at online views at pinag-usapan din sa social media kung saan nagtala ito ng maraming trending topics […]
SHOW-MY – Salve V. Asis – Pilipino Star Ngayon
April 13, 2024 | 12:00am
One week na sa GMA 7 ang It’s Showtime ngayong araw.
Last Saturday nung nag-umpisa silang umere kung saan nanguna ito sa TV rating at online views at pinag-usapan din sa social media kung saan nagtala ito ng maraming trending topics noong Sabado (Abril 6).
Umabot ang pinagsamang TV rating ng 11.3 percent mula sa GMA, GTV, A2Z, at Kapamilya Channel ng programa.
Samantala, nagpost ang GMA Network sa kanilang social media accounts ng National Urban Television Audience Measurement (NUTAM) People Ratings ng Nielsen Philippines na nagpapakita na ang programa ay nakakuha ng pinagsamang TV rating na 9.6% mula sa GMA, GTV, A2Z, at Kapamilya Channel kumpara sa kasabay na program na nagtala ng 4.4 percent.
Nagtala naman ito ng kanilang all-time high na 524,294 peak concurrent views mula sa iba’t ibang social media sites ng ABS-CBN at GMA.
Bukod dito, bumuhos din ng mga magagandang reaksyon mula sa netizens at talagang pinag-usapan sa social media ang pasabog na opening number ng hosts, maging ang nakakakilig na guesting ni Miss Universe 2023 Michelle Dee sa Expecially For You kaya naman nagtrend ang show worldwide.
Napapanood sa It’s Showtime sina Vice Ganda, Anne Curtis, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Karylle, Kim Chiu, Ogie Alcasid, Amy Perez, Darren Espanto, Jugs Jugueta, and Teddy Corpuz, Ryan Bang, Jackie Gonzaga, MC, Lassy, Ion Perez, at Cianne Dominguez mula Lunes hanggang Sabado, sa GMA, A2Z, Kapamilya Channel, GTV, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWantTFC app o iwanttfc.com.
Iba na talaga ang labanan ngayon ng mga TV show, paramihan na ng channel at dapat malakas ka rin sa social media platforms.
At ito raw ang rason kaya bargain na ang presyo ng mga TV dahil nababawasan na ang bumibili at mas lumakas na ang demand ng cellphone.