Cannes Film Festival, nagbigay ng pagpupugay kay Jaclyn Jose
Kaisa ang Cannes Film Festival sa mga nagbigay-pugay sa namayapang aktres na si Jaclyn Jose. Sa Instagram account ng Cannes Film Festival, ipinost ang larawan ni Jaclyn nang tanggapin niya ang parangal bilang Best Actress noong 2016 para sa kaniyang pagganap sa “Ma’ Rosa,” na idinirek ni Brillante Mendoza. “On learning of the death of […]
Kaisa ang Cannes Film Festival sa mga nagbigay-pugay sa namayapang aktres na si Jaclyn Jose.
Sa Instagram account ng Cannes Film Festival, ipinost ang larawan ni Jaclyn nang tanggapin niya ang parangal bilang Best Actress noong 2016 para sa kaniyang pagganap sa “Ma’ Rosa,” na idinirek ni Brillante Mendoza.
“On learning of the death of Filipina actress Jaclyn Jose, the Festival de Cannes remembers her face beaming with emotion when she received the Award for Best Actress in 2016 in Brillante Mendoza’s Ma’Rosa,” saad sa caption ng post.
“As with so many of her roles, she illuminated this beautiful portrait of a woman, embodying it with grace and humanity,” dagdag nito.
BALIKAN: Jaclyn Jose, ang mahusay na aktres na walang dream role
Ang naturang panalo ni Jaclyn ay umukit ng kasaysayan bilang kauna-unang Pinay na nanalo ng Best Actress trophy sa Cannes Film Festival.
Sa naturang pelikula, ginampanan ni Jaclyn ang role bilang isang ina na may tindahan at nagbebenta ng ilegal na droga para masuportahan ang kaniyang pamilya.
Nang maaresto ng mga pulis, gumawa ng paraan ang kaniyang mga anak para mailabas siya ng presinto.
Pumanaw noong Sabado ang 60-anyos na si Jaclyn, na Mary Jane Guck sa tunay na buhay.
Ayon sa kaniyang anak na si Andi Eigenmann, heart attack ang ikinamatay ng kaniyang ina.
Kabilang sa mga pelikulang ginawa ni Jaclyn ay “The Flor Contemplacion Story” at “Patay Na Si Hesus.” Bumida rin siya sa mga GMA Network series, kabilang ang “Marimar,” “The Millionaire’s Wife,” at “D’Originals.”—FRJ, GMA Integrated News