Bullet Jalosjos at Bong Suntay, nilinaw ang ‘relasyon’ nila kay Dominic Roque
Nagsalita na sina Dapitan Mayor Bullet Jalosjos at Quezon City 4th District Congressman Bong Suntay para linawin ang “relasyon” nila kay Dominic Roque sa harap ng mga intriga na may “benefactor” ang aktor kasunod ng breakup nila ni Bea Alonzo. Sa panayam ng media practitioner at art hub Sentro Artista co-founder na si Jay Ruiz […]
Nagsalita na sina Dapitan Mayor Bullet Jalosjos at Quezon City 4th District Congressman Bong Suntay para linawin ang “relasyon” nila kay Dominic Roque sa harap ng mga intriga na may “benefactor” ang aktor kasunod ng breakup nila ni Bea Alonzo.
Sa panayam ng media practitioner at art hub Sentro Artista co-founder na si Jay Ruiz sa kaniyang YouTube channel, nilinaw nina Bullet at Bong na kaibigan nila si Dominic na nagsimula sa hilig nila sa motorsiklo.
Ayon kay Bullet, 10 taon na niyang kaibigan si Dominic at pinarentahan niya rito sa presyong kaibigan ang kaniyang condo.
“Nag-umpisa ‘yan sa pagmo-motor, nagka-karera kami sa Clark. And then, from there, naging good, good friends kami,” sabi ni Bullet, na idinagdag din na mayroon silang negosyo ng aktor.
“Kaya nagkakapagtaka na umabot sa ganito, na even ang genders namin ang pinagkakaguluhan na ngayon ng marami at nangtatanong kung talagang lalaki ba talaga kami. Nakakatawa lang ‘yung issue. Actually, pinagtatawanan lang nga namin eh,” patuloy ng alkalde.
Ayon kay Bullet, may tatlong taon nang nirerentahan ni Dominic ang kaniyang condo.
“Ang pangit namang pakinggan, sugar daddy,” natatawa niyang sabi. “‘Yung condo, akin talaga ‘yon. I’ve had it for quite some time.”
“Ginawa ko siyang Airbnb but because of the pandemic, pinagbawalan kami i-open for airbnb. Siyempre, as a friend, barkada, Dom asked me if I want to have it rented,” ayon pa kay Bullet, na sinabi rin na madalas siya sa Dapitan at may bahay din sa Alabang.
“Siyempre ipapa-rent natin sa barkada natin for a good price,” patuloy niya. “Natawa lang ako kung bakit tumalon ‘yung issue from business to binahay na.”
Ipinakita rin ng alkalde ang screenshots kapag ipinapaalam sa kaniya ng aktor ang pagbabayad ito ng rental fees.
Sa ngayon, bakante na raw ang condo.
“Sana naman itong mga nagkakalat that are claiming that they are mga batikang journalist, sana naman ingat-ingat din kasi they have a responsibility to the people na dapat fact-finding. Hindi ‘yung nalaman nila nasa pangalan ko ‘yung condo, sugar daddy na ‘ko bigla,” ayon sa alkalde.
Nalulungkot si Bullet para sa kaniyang kaibigan na si Dominic lalo na ngayon sa nangyari sa relasyon nito kay Bea.
“Ang problema doon sinakyan eh, gina-gaslight nila ‘yung issue eh. Naawa rin kami kay Dom kasi siyempre, affected na nga ‘yung tao sa breakup, ili-link pa kami sa kaniya,” ani Bullet. “These people also have to be reprimanded, kailangan may consequences din ‘yung ano. May batas tayo eh.”
Sinabi naman ni Bong na ang pagkahilig din sa motorsiklo ang nag-ugnay sa kanila ni Dominic. Kasama umano nila sa motorcycle riding group na Euro Monkey sina Dingdong Dantes, Richard Gutierrez, at Kim Atienza.
“Siguro itong issue kung saan nadamay ‘yung pangalan ni Mayor Bullet at pangalan ko, eh dahil sa pagnanais namin na matulungan ‘yung mga kaibigan namin,” anang kongresista.
Itinanggi ni Bong na binigyan niya ng gas station si Dominic pero ang aktor umano ang “celebrity driver” o endorser nila ng Clean Fuel.
“From there on, dahil mabait di Dom, ginawa ko na rin siyang brand ambassador ng Clean Fuel,” ani Bong. “Kung talagang magre-research lang makikita nila na as early as five years ago, talagang brand ambassador na si Dominic. Ang nakakagulat nga ‘yung pinost pa nilang picture, ‘yung contract signing namin ni Dom na kinukuha siyang endorser.”
“Pero, wala naman ding katotohanan na binigyan siya ng gasolinahan,” paglilinaw niya. “Ako, nung una, natatawa. I was taking it lightly. In fact, sabi ko nga sa kaibigan ko, ‘Uy, okay ‘to ah. Nakakakuha ng libreng advertisement ang Clean Fuel tsaka dumami ‘yung followers ko.”
Nitong Martes, naglabas din ng pahayag si Dominic para linawin at pabulaanan ang mga isyung ibinabato laban sa kanila, partikular ni Cristi Fermin. — FRJ, GMA Integrated News