‘Selos” ni Shaira Moro, malapit na umanong magbalik na streaming platforms

‘Selos” ni Shaira Moro, malapit na umanong magbalik na streaming platforms

'Selos

Malapit na umanong magbalik sa streaming platforms very soon ang viral song na “Selos” ni Shaira Moro makaraang maresolba na ang usapin sa copyright infringement o panggagaya sa awitin ng Australian singer na si Lenka.

Ibinahagi ito ni Shaira sa isang video post sa Facebook, kaugnay sa positibong pangyayari sa pakikipag-usap nila sa team ni Lenka.

Nilinaw niya na walang kasohan na nangyari kaugnay sa nangyaring kontrobersiya.

“Sa katunayan, naging mahinahon at mapayapa ang pag-uusap namin ng kampo ni Lenka at nauwi ito sa pagkakaroon ng kasunduan hingil sa pamamaraan na muling paglabas ng kanta sa mga online streaming platforms,” ani Shaira.

“At ngayon nga, nais kong ihayag sa inyong lahat na malapit na po namin ibalik sa mga streaming platforms ang kantang ‘Selos’ kasabay na din po ng ibang kanta ng aming produksyon,” patuloy niya.

Umaasa si Shaira na magiging masaya ang publiko sa kaniyang ibinalita. Nagpasalamat din siya sa mga taong patuloy na sumusuporta sa kaniya at sa kaniyang team.

Mensahe naman niya sa kaniyang idol na si Lenka: “I want to express my deepest gratitude to you and to your team for allowing me this opportunity. Thank you for the smoothest transaction that we had with your team. It was truly an honor to have been communicating with international companies such as yours.”

Umaasa si Shaira na makikita niya nang personal balang araw ang kaniyang idolo.

Nitong nakaraang Marso, inalis mula sa mga streaming platform ang “Selos” dahil sa isyu copyright infringement.

Malaki kasi ang pagkakatulad ng melody nito sa awitin ni Lenka na “Trouble is a Friend.”

Kinumpirma naman ng AHS Channel, ang record label ni Shaira na hango sa “Trouble is a Friend” ang melody ng awiting “Selos.” Nangako silang makikipag-usap sa kampo ng Australian singer upang maging official cover ang kanta. — FRJ, GMA Integrated News