Randy Santiago, bakit laging may suot na shades?
Abril 4, 2024 7:43pm GMT+08:00 Bukod sa mahusay na performer, tumatak sa publiko si Randy Santiago dahil sa suot niyang shades. Ano nga ba ang kuwento sa likod nito? Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, ikinuwento ni Randy na 1983 nang magsimula sila ng kaniyang mga ka-banda sa Sikada na mag-isip […]
Abril 4, 2024 7:43pm GMT+08:00
Bukod sa mahusay na performer, tumatak sa publiko si Randy Santiago dahil sa suot niyang shades. Ano nga ba ang kuwento sa likod nito?
Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, ikinuwento ni Randy na 1983 nang magsimula sila ng kaniyang mga ka-banda sa Sikada na mag-isip ng kanilang magiging “looks.”
Noong una, naisipan nilang lagyan ng patch ang isa niyang mata na mas maliit upang maitago. Pero naging problema umano ito dahil hindi niya agad makita ang mic.
“Kaya sabi ko mahihirapan [ako] kung tatakpan ko mata ko. So ‘yon sabi ko magsi-shades na lang ako,” kuwento ni Randy.
Wala raw sa isip noon ni Randy na makatutulong ang shades sa kaniyang kasikatan kaya labis ang pasasalamat niya na tinanggap iyon ng publiko.
Dati nang naikuwento ni Randy sa mga nagdaang panayam ng showbiz media na mas maliit at hindi niya maidilat ang isa niyang mata kumpara sa isa.
Nang tanungin kung ilan ang kaniyang shades, sinabi ni Randy na hindi na niya mabilang dahil marami rin ang nagbibigay at may mga nag-i-sponsor.
Sa kabila ng pagsikat, sinabi ni Randy na hindi pumasok sa isip niya noon na sikat siya dahil na rin sa nasanay siya na kasama ang mga karaniwang tao.
Kuwento ni Randy na mula rin sa angkan ng mga artista na ama ang direktor na si Pablo Santiago, at aktres ang ina na si Cielito Legaspi, at ninong si Fernando Poe Jr., siya ang nagsisilbi noon sa kanilang mga bisita, kasama ang iba pa nilang mga tauhan.
Taliwas din sa akala ng marami na babaero siya noong kaniyang kasikatan, iginiit ni Randy na naging mabait siya sa kahit sa babae.
Kabilang sa mga sikat na kanta ni Randy na siya ang gumawa ay ang “Babaero [ngunit ‘di naman totoo]” at “Hindi Magbabago.”
Ayon kay Randy, hindi rin niya inisip noon na sisikat ang kantang “Babaero.”
“When you’re doing the song, hindi mo naman alam na maghi-hit eh,” sabi niya.
Isinulat umano niya ang kanta dahil maraming makare-relate rito gaya niya, na palaging napagkakamalang babaero.
“So, maraming mga pagbibintang sa atin. I’m very sure, makaka-relate ‘yung mga nanonood sa atin na lagi silang pinagbibintangan na babaero, na hindi naman totoo,” sabi niya. — Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News