Labanan ng Team Vice at Team Anne sa ‘Family Feud’ nitong Lunes, higit 3 million views na sa Youtube
Abril 9, 2024 11:17pm GMT+08:00 Sa loob lang isang araw, umabot na sa mahigit tatlong milyon ang views sa Youtube ng labanan ng Team Vice Ganda at Team Anne Curtis ng “It’s Showtime” sa “Family Feud” nitong Lunes. Sa naturang episode, naging mahigpit pero masaya at puno nang kulitan ang labanan ng “It’s Showtime” hosts […]
Abril 9, 2024 11:17pm GMT+08:00
Sa loob lang isang araw, umabot na sa mahigit tatlong milyon ang views sa Youtube ng labanan ng Team Vice Ganda at Team Anne Curtis ng “It’s Showtime” sa “Family Feud” nitong Lunes.
Sa naturang episode, naging mahigpit pero masaya at puno nang kulitan ang labanan ng “It’s Showtime” hosts na pinangunahan nina Vice Ganda at Anne Curtis.
Kasama ni Vice sa kaniyang team sina Jhong Hilario, Amy Perez, at Jugs Jugueta.
Habang kasama ni Anne sa kaniyang team sina Vhong Navarro, Ogie Alcasid, at Teddy Corpuz.
Nakuha ng team ni Anne ang unang dalawang round na ang mga tanong ay tungkol sa mga celebrity na may pangalang Kim, at mga hayop na mananalo sa kontes ng “pataasan ng ihi.”
Pagkatapos ng unang dalawang round, nakalikom ang team ni Anne ng 169 points, habang zero naman ang team ni Vice, na alaskado sa team ni Anne.
Pero nakahabol ang team ni Vice sa sumunod na dalawang round na may double points. Nasagot nila ang tanong kung sino dapat ang maging principal kung may beauty queen school, at ano ang good news na sinasabi ng duktor sa mga pasyente para sa total score na 388 kontra sa 169 nina Anne.
May pagkakataon pa sana ang team ni Anne na maagaw ang huling round pero sumablay ang sagot nila sa tanong tungkol sa magandang sinasabi ng duktor sa pasyente.
Sa Fast Money round, sina Vice Ganda at Jhong ang naglaro. Gayunman, bigo silang makuha ang 200 points kaya hindi nila nakuha ang karagdagang premyo na P100,000.
Sa naturang jackpot round, kumamada si Vice ng total points na 127. Dahil dito, kailangan lang sana ni Jhong na makapuntos ng 73.
Pero sa limang tanong, dalawa lang ang nabigyan ng sagot ni Jhong. Zero ang puntos niya sa apat na tanong, 23 puntos naman sa isa niyang sagot, para sa total points na 150 nila ni Vice.
Nanalo ang team ni Vice ng P100,000 habang P50,000 naman ang team ni Anne.
Bago ang laro, binigyan ng sorpresa ng “Family Feud” si Vice na nagdiwang ng kaarawan.
Panoorin muli ang masayang guesting ng “It’s Showtime” sa “Family Feud,” na unang guesting nila sa GMA show matapos na magsimula nang umere sa GMA 7 ang kanilang noontime show noong Sabado.
Napapanood ang “Family Feud” tuwing 5:40 p.m. mula Lunes hanggang Biyernes, habang napapanood naman sa GMA 7 ang “It’s Showtime” mula Lunes hanggang Sabado tuwing tanghali. —FRJ, GMA Integrated News