Faith Da Silva, inilahad kung sino sa Sparkle 10 ang sexy pero parang ‘kargador” kung kumain
Inihayag ni Faith Da Silva kung sino sa kanila sa Sparkle 10 ang sexy ngunit parang “kargador” sa lakas kung kumain.
“Kung sa sexy, ang pinaka-fit para sa akin si Angel (Guardian),” sabi ni Faith sa panayam sa kaniya sa Updated with Nelson Canlas.
Ayon kay Faith, matagal na silang magkaibigan ni Angel at humahanga siya sa dalaga dahil hindi lumalaki ang katawan kahit malakas umanong kumain.
“Noong time na ‘yun medyo malaki pa ako, tapos palagi akong nagtatanong sa kaniya na, ‘Anong ginagawa mong diet? Anong kinakain mo?’ Kasi sa totoo lang, parang kargador talagang kumain si Angel. Sorry for the term,” nanatawang sabi ni Faith.
“I love you Angel, I love you. Alam naman niya ‘yan,” pagpapatuloy ni Faith. “Pero kasi si Angel kung kumain, kanin! Hindi ko alam pero kanin, dalawa, kaya niya tatlo.”
Naobserbahan ni Faith na mabilis ang metabolism ni Angel.
Kabilang sina Faith at Angel sa sexy at sizzling Kapuso ladies na bumubuo ng “Sparkle 10” kung saan inilabas ang kanilang billboard at posts.
Kasama rin nila sina Ashley Ortega, Elle Villanueva, Kate Valdez, Lexi Gonzales, Lianne Valentin, Liezel Lopez, Rabiya Mateo, at Shuvee Etrata.– FRJ, GMA Integrated News