Elle Villanueva, itinuturing ‘hulog ng langit’ si Derrick Monasterio

Matapos makaranas ng “toxic” relationship sa dating nobyo, inihayag ni Elle Villanueva na tila hulog ng langit sa kaniya ngayon ang nobyong si Derrick Monasterio dahil sa pag-aalaga nito sa kaniya. Sa “Updated with Nelson Canlas” podcast, inilahad ni Elle na nanggaling siya noon sa isang “toxic” relationship na halos humantong pa umano sa pananakit. […]

Elle Villanueva, itinuturing ‘hulog ng langit’ si Derrick Monasterio

Elle Villanueva, itinuturing 'hulog ng langit' si Derrick Monasterio thumbnail

Matapos makaranas ng “toxic” relationship sa dating nobyo, inihayag ni Elle Villanueva na tila hulog ng langit sa kaniya ngayon ang nobyong si Derrick Monasterio dahil sa pag-aalaga nito sa kaniya.

Sa “Updated with Nelson Canlas” podcast, inilahad ni Elle na nanggaling siya noon sa isang “toxic” relationship na halos humantong pa umano sa pananakit.

“Parang papunta na doon [sa pananakit ng pisikal]. Kasi super intense ‘yung mga ginagawa sa akin. Very traumatic,” saad ng leading lady sa Kapuso series na “Makiling.”

Tumagal ng pitong taon ang toxic na relasyon ni Elle sa kaniyang ex, na aminado rin siyang pabalik-balik at mahirap makaalis.

“Tapos ‘yung friends sasabihin na, ‘O ‘yun na naman, tapos sasabihin mo, ayaw mo na.’ What can I do?  Ang hirap. It’s a cycle. And you have to break it. You really have to break it. Kasi you can’t grow kung ganu’n lang, kung cycle lang ‘yan eh,” kuwento niya.

Nagpapasalamat ang aktres na naging iba si Derrick sa nagdaang niyang nakarelasyon bagaman hindi maganda ang naging unang akala niya noon sa binata.

“Hulog ng langit. Hulog ng langit talaga,” sabi ni Elle.

“Nagulat din ako kay Derrick eh. Kasi ever since nangyari ‘yung past relationship ko na toxic na ‘yun, lagi kong hinihiling kay God na ‘yung next relationship ko, please sana siya na. Ayoko nang masaktan ng gano’n ka-intense,” pagpapatuloy niya.

Ayon sa kaniya, hindi niya inaasahan ang pagdating ni Derrick sa kaniyang buhay.

“Pray ako nang pray. Tapos, biglang dumating si Derrick na unexpected naman. Sabi ko, parang hindi ko naman sure. Sabi ko, Lord, seryoso ba?”

Sinabi ni Elle na iba ang kaniyang pagkakakilala kay Derrick noon.

“‘Di ba dati si Derrick medyo playboy? Hindi ko seseryosohin. Medyo playboy siya. Sabi ko, parang hindi, hindi siya,” anang aktres.

Ngunit nang mas nakilala pa niya si Derrick, nakita niyang iba ang binata sa kaniyang mga iniisip.

“Over the past few years, parang napapatunayan niya ‘yung sarili niya na hindi pala siya ‘yung inakala ko klaseng lalaki. So, sabi ni Lord sa akin na ‘O, huwag ka mang-judge agad ng tao.”

Inilahad ni Elle ang kaniyang paghanga sa kaniyang nobyo dahil sa pag-aalaga nito sa kaniya.

“Sa lahat ng naka-relationship ko, si Derrick pa ‘yung pinakamabait at pinaka-inaalagaan ako emotionally.”

Ibinahagi ni Elle na nagkaroon siya ng malaking “wall” sa mga tao matapos ang kaniyang abusive relationship. Kung kaya naman naging matagal din bago sila umamin ni Derrick sa kanilang relasyon.

“‘Yun ‘yung akala ng mga tao, kasi palagi kami magkasama. Pero ‘yun nga, isang malaking factor na natatakot akong mag-dive ulit sa relationship because I came from that kind of toxic relationship. Na parang, ‘Ah, ito na naman, masasaktan na naman ako.’ Alam mo ‘yun, napi-preempt mo ‘yung mangyayari. May anxiety ka na sa relationship.”

Ngunit para kay Elle, pinoprotektahan niya lang ang kaniyang sarili.

“Alam mo ‘yung may mga tao na masyado nasaktan. So, parang, ayaw nila masyadong mag-dive sa mundong ito,” sabi pa ni Elle.

Kinumpirma nina Elle at Derrick ang kanilang relasyon noong nakaraang taon.

Napapanood ngayon sina Elle at Derrick ngayon sa hit Kapuso Afternoon Prime series na “Makiling.” — FRJ, GMA Integrated News