Ahron Villena, inilahad ang naranasang ‘exploitation’ noong bago pa lang siyang artista
Inilahad ni Ahron Villena sa isang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” ang naging karanasan niya na ma-“exploit” o mapagsamantalan noong nagsisimula pa lang siyang mag-artista. Sa naturang panayam, napag-usapan ang pagiging komportable ni Ahron sa kaniyang katawan gaya nang ginawa niyang pagpapalagay ng “oil” sa isang sexy pictorial. Paliwanag ng aktor, ginagawa niya […]
Inilahad ni Ahron Villena sa isang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” ang naging karanasan niya na ma-“exploit” o mapagsamantalan noong nagsisimula pa lang siyang mag-artista.
Sa naturang panayam, napag-usapan ang pagiging komportable ni Ahron sa kaniyang katawan gaya nang ginawa niyang pagpapalagay ng “oil” sa isang sexy pictorial.
Paliwanag ng aktor, ginagawa niya na mapanatiling maganda ang kaniyang pangangatawan hindi para pagpantasyahan ng iba kung hindi para magkaroon din ng confidence sa sarili lalo na kung nagkaka-edad na.
Pagdating sa pictorial, sinabi ni Ahron na kilala niya ang mga kasama niya sa photoshoot kaya komportable siya sa mga ito na hindi siya ma-e-exploit kahit pa pinapahiran siya ng oil sa katawan.
Gayunman, inilahad ng aktor na naranasan niyang maabuso nang may ginagawa siyang pelikula at kailangan niyang maglagay ng “plaster” sa maselang bahagi ng kaniyang katawan.
“Kailangan kong mag-plaster, and then cameo role lang ako doon sa movie na iyon. Tapos hinanap ako and then pagpasok niya, sabi niya, ‘O bakit sila naglalagay niyan? Ako na maglalagay niyan,'” balik-tanaw ni Ahron na nangyari noong bago pa lang siyang artista.
“Sabi ko, ‘O sige po.’ Tapos feel ko parang may something, pero hindi ako umangal,” patuloy niya. “I was too young and siyempre, kumbaga sa industry natin baka sabihin, ‘Ang arte naman ni Ahron.”
Nang tanungin si Ahron ni Tito Boy kung pakiramdam niya ay naabuso siya nang sandaling iyon, sagot ng aktor na may kasamang pagtungo ng ulo, “That time.”
Hindi tinukoy ni Ahron kung sino ang naglagay sa kaniya ng ng plaster at kung anong pelikula ang ginawa niya nang panahong iyon.
Payo naman ni Tito Boy sa mga bagong artista kapag naharap sa mga katulad na sitwasyon ni Ahron, “Say no. Sabihin mo.”– FRJ, GMA Integrated News