Renz Verano, hiling na bumalik ang init sa mga OPM song na may ‘hugot’
Pebrero 21, 2024 12:10am GMT+08:00 SINULAT NI: JAMIL SANTOS,GMA Integrated News Inilahad ng OPM icon na si Renz Verano na hiling niyang bumalik ang mga madamdaming awitin ng mga Original Pinoy Music (OPM) sa panahon ngayon. “Ang gusto kong mangyari sa OPM, bumalik ‘yung mas madamdaming mga awitin,” sabi ni Renz sa “Fast Talk with […]
Pebrero 21, 2024 12:10am GMT+08:00
SINULAT NI: JAMIL SANTOS,GMA Integrated News
Inilahad ng OPM icon na si Renz Verano na hiling niyang bumalik ang mga madamdaming awitin ng mga Original Pinoy Music (OPM) sa panahon ngayon.
“Ang gusto kong mangyari sa OPM, bumalik ‘yung mas madamdaming mga awitin,” sabi ni Renz sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.
“Of course, Millennials, that’s the style today. I can’t say na hindi maganda ‘yon, kasi ‘yan ang uso eh,” dagdag niya tungkol sa mga nauusong awitin ngayon.
Gayunman, sinabi ni Renz na hinahanap-hanap niya rin ang mga awiting mas may hugot.
“Sana bumalik lang a portion. All I’m asking is a portion ng mabibigat na awitin na mas hugot,” anang OPM singer.
Isa si Renz sa judges ng “Tanghalan ng Kampeon” ng Kapuso variety show na TiktoClock.
Inilahad niya ang kaniyang hinahanap sa mga contestant.
“Unang-una, ang kailangan, maganda ang boses. Kailangan ‘yung intonation, ibig sabihin nasa tono. Ngayon, ‘yung kaniyang star quality, it’s only a bonus. Kailangan maganda ang boses, maganda ang galaw, ‘yung expression ng kaniyang pagkanta, nandu’n lahat,” ani Renz.
“There is phrasing, there is breathing, there is intonation, there is style. Maraming style kasi eh. Sa pagkanta, meron ‘yung gagamitin mo, kunyari umiiyak ka, meron ‘yun. Hindi lang basta-basta ‘yun,” pagpapatuloy niya.
Pagdating sa phrasing, “kailangan ‘yung isang phrase mo, may ibig sabihin,” paliwanag ni Renz na hindi nauudlot ng pauses o stops.
Patungkol naman sa estilo, “Kailangan ‘yung kanta na pinili niya, ‘wag nang gagayahin ‘yung original.”
“Siyempre mga amateur pa sila. So, the tendency eh gayahin nila ‘yung original. Maglagay ka ng sarili mong interpretation,” dagdag pa niya.
Ayon kay Renz, ang karanasan o experience pa rin ang “best teacher” pagdating sa pagkanta.
“‘Pag hindi mo naramdaman ang masawi, paano mo ie-express? ‘Pag hindi mo maramdaman ang nasagot ka, tuwang-tuwa ka, paano mo ie-express? You cannot express this unless you’ve experienced it,” paliwanag niya.
Ilan sa mga kantang pinasikat ni Renz ang “Remember Me,” “Ibang-Iba Ka Na,” “Mahal Kita,” at “Keep On Loving You.”
Ang “TiktoClock” ay mapapanood Lunes hanggang Biyernes ng 11:15 a.m.– FRJ, GMA Integrated News